Minsan
Matagal na din akong hindi nakapag-blog...na-miss ko tuloy. Sabi rin ni Leni, miss na niya ako, kaya naisip kong mag-update. Buti pa si Leni...totoong tao at kaibigang maaasahan. Naks. Minsan naiiisip ko, hindi kaya ako nasa loob ng isang pelikula o telenobela? Para kasing madami masyadong drama. Minsan para akong baliw, tawa-iyak depende sa sitwasyon--tatawa pag masalimuot ang buhay at iiyak habang ang iba'y nagpapakasaya. Minsan kung sino pa ang inaasahan mong kakalinga at tutulong sa iyo ang siya pang nais sumira ng buhay mo--siya na nagtatago sa likod ng maskarang mahina at kaawa-awa ang siya ring may tangan ng patalim upang isaksak sa likod mo. Minsan may mga taong nais kang makitang madapa at bumagsak sa putikan upang makita mo silang tulungan kang bumangon. O nais nga ba talaga nila? Minsan, paggising mo pa lang ay sasalubungin ka agad ng kasinungalingan at pasakit. Ni hindi ka pa naaalimpungatan ay nasa harapan mo na ang katakut-takot na problema--mga problemang hind man lang sa iyo, kundi sa ibang tao. Minsan akala ng iba, dahil sila'y nagbibigay, may karapatan silang humingi ng sobra-sobra. Minsan ang buhay mo'y hindi pala talagang sa iyo. Minsan ang sarili mo lang ang tunay na maaasahan mo. Minsan pinangungunahang punain ang mali sa iba upang mapagtakpan ang mali sa sarili. Minsan ang paniniwala at pananampalataya ay nauukol sa mali--sa tao, sa halip na sa Diyos; sa sarili, sa halip na sa nararapat. Minsan huli na ang lahat upang humingi pa ng tawad, pero hindi matanggap ng tunay na makasalanan ang katotohanang ito. Sana minsan, tumingin ka sa salamin nang makita mo... ...na minsan, sawang-sawa na ako. |
0 Comments:
Post a Comment
<< Home